2014 LA Hacks Keynote

The following keynote was delivered by Evan Spiegel, CEO of Snapchat, during LA Hacks at Pauley Pavilion on April 11, 2014.
Ang sumusunod na keynote ay inihatid ng CEO ng Snapchat na si Evan Spiegel, noong LA Hacks sa Pauley Pavilion noong Abril 11, 2014.
Lubos akong nagpapasalamat para sa inyong oras at atensyon ngayong gabing ito. Talagang nakakamanghang makakita ng maraming kabataan na nagtitipon-tipon para gumawa ng mga bagay. Pinahahalagahan ko talaga ang pagbilang ninyo sa akin.
Madalas akong tinatanong ng mga tao tungkol sa mga susi sa pagtatagumpay at ako mismo ay palagi ring nagtataka kung ano nga ba ang mga ito.
Kamakailan ko lang nalaman ang sagot. Masuwerte akong nakapagpabasa ako ng palad sa isang matandang lalaking maraming kaalaman sa isang templo sa Hong Kong. Bukod pa sa nalaman kong ikakasal ako at magkakaroon ako ng anak na lalaki bago ako maging 30 taong gulang - ipinaalam niya rin sa akin ang tatlong susi sa pagtatagumpay.
Ito ang mga iyon:
1. Sipag
2. Abilidad
3. Mga Ugnayan sa Tao
Dahil magkakasama kayong lahat dito nang alas-diyes ng gabi ngayong Biyernes na may planong magkakasamang magtrabaho sa loob ng susunod na 36 na oras - hindi ko na kailangang ipaliwanag ang sipag o abilidad. Malinaw na masisipag at may abilidad kayong lahat.
Kaya ang pagtutuunan ko rito ngayong gabi ay ang mga ugnayan ng tao, hindi ang pangnegosyong uri ng ugnayan o ang pagdaragdag ng bawat isa sa LinkedIn, pero ang uri ng ugnayan na nabubuo sa paglipas ng panahon sa pamamagitan ng malalim, madamdamin, at buhay na pag-uusap.
Naisip kong ibahagi ang isang bagay na ginagawa namin sa Snapchat na natutunan ko sa aking mataas na paaralan na tinatawag na Crossroads, na kanilang iniangkop mula sa The Ojai Foundation - ang pagsasagawa ng council. Posibleng corny itong pakinggan para sa ilan sa inyo, pero mahalagang-mahalaga ito para sa amin. Nangangahulugan itong magtitipon-tipon ang mga grupo na binubuo ng 10 o higit pang team member at pag-uusapan nila ang kanilang nararamdaman, at gagawin nila ito nang isang beses sa isang linggo sa loob ng isang oras. At gaya lang din ng pagkakaroon ng tatlong susi sa pagtatagumpay, may tatlong tuntunin para sa council. Ang una ay ang pagsasalita palagi nang galing sa puso, ang pangalawa ay ang pagkakaroon ng obligasyong makinig, at ang pangatlo ay hindi lalabas sa council ang anumang nangyayari sa council. Napag-alaman naming ang partikular na kumbinasyong ito ay lubos na kapaki-pakinabang para sa pagkatuto hindi lang sa kung paano maipahayag ang nararamdaman natin, pero para sa pag-unawa at pagpapahalaga sa mga nararamdaman ng iba pang tao.
May kaibigang nagsabi sa akin na alam mong mahal mo ang isang tao kapag siya ang taong gusto mong bahagian ng mga kuwento mo at malamang na siya rin ang taong pinakagusto mong pakinggan.
Kaya sa paraang hindi binabalewala ang kahalagahan ng pagsasalita nang galing sa puso o ng taos-pusong pakikinig, gusto kong pag-usapan ang ideyang hindi lalabas sa council ang nangyayari sa council. Kapag tinitiyak na hindi naisasapubliko ang mga nararamdamang ipinapahayag sa council, nagkakaroon tayo ng lugar kung saan magagawa nating maging vulnerable. Nagbibigay-daan ito sa atin na maibahagi ang mga pinakapersonal at pinakanatatanging opinyon natin - mga opinyon at emosyong posible agad na humantong sa maling interpretasyon kung uunawain sa ibang konteksto. Sa madaling salita, iginagalang namin ang privacy ng council.
Sa kasamaang-palad, madalas na itinuturing ang privacy bilang pagiging lihim, pero gaya ng binanggit ni Nissenbaum, ang privacy ay aktwal na nakatuon sa pag-unawa sa konteksto. Hindi ito tungkol sa kung ano ang sinabi – pero nakatuon ito sa lugar kung saan ito sinabi at kung kanino ito sinabi. Nagbibigay-daan sa atin ang privacy na mag-enjoy at matuto mula sa pagkakaibigan o pag-unawang nabubuo kapag nagbabahagi tayo ng iba't ibang bagay sa iba't ibang tao sa iba't ibang konteksto.
Isinulat ni Kundera na “sa pribadong sitwasyon, negatibo ang mga sinasabi natin tungkol sa mga kaibigan natin at hindi magagandang salita ang ginagamit natin; na iba tayo kumilos sa pribadong sitwasyon kumpara sa pampublikong sitwasyon kung saan pinakamadaling nakikita ang karanasan ng lahat, ito ang napakalaking batayan ng buhay ng indibidwal; nakakapagtaka na ang litaw na litaw na katotohanang ito ay nananatiling nakakubli, hindi kinikilala, o habambuhay na tago sa transparent na salaming bahay, bihira itong maunawaan bilang prinsipyong kailangang protektahan kumpara sa lahat ng iba pang bagay.”
Sa America, bago nagkaroon ng Internet, ang hati sa pagitan ng ating pampubliko at pribadong buhay ay karaniwang nauugnay sa pisikal na lokasyon natin – trabaho at bahay natin. Malinaw ang kontekstong pinagbabatayan natin sa pakikipag-ugnayan natin sa ating mga kaibigan at pamilya. Mga propesyonal tayo sa trabaho at asawa o mga anak tayo sa bahay.
May ilang mas mahusay sa pag-unawa sa pagkakaiba ng pampubliko at pribadong paghahayag kaysa sa mga celebrity, na may mga pampublikong personalidad na kayang makagawa ng malaking interes sa kanilang mga pribadong buhay. Kapag nailagay sa panganib ang privacy ng isang tao, kapag nawala ang kontekstong pinagbabatayan sa pagbabahagi ng isang tao, nagiging malinaw kung ano ang pampubliko at kung ano ang pribado.
Kamakailan lang, habang naglalakad sa isang paliparan, napukaw ako ng isang Newsweek Special Issue na nangangakong ipapakita ang "Lost Scrapbook" ni Marilyn Monroe. May mamamahayag na nakahanap ng scrapbook na ginawa niya para sa isang photographer at kaibigan.
Isinulat ng mamamahayag na ang scrapbook ay "Tungkol kay Marilyn na may natural at magulong buhok at walang alintana sa posibleng isipin ng isang tao o kung paano siya posibleng tingnan ng mga tao. Hindi niya tinitingnan ang mga larawang nilalaman nito. Tinitingnan niya ang ginagawa niya sa mga larawan. Gusto niyang masaya ang ginagawa niya."
Makulay ang mga pahina, kasama ang mga ideya at pakiramdam ni Marilyn sa tabi ng paglalarawan. Sa tabi ng isang larawan ng kanyang sarili kung saan siya ay nakasuot ng bathrobe at pinapaligiran ng production gear, isinulat niya na,“walang privacy ang isang babae kapag nagtatrabaho siya.” Para kay Marilyn, pribadong lugar ang kanyang scrapbook na maibabahagi niya sa isang photographer na kaibigan. Hindi ito bahagi ng kanyang pampublikong persona.
Hinihikayat tayo ng Internet na gumawa ng mga scrapbook ng ating mga nararamdaman na nakabahagi na posibleng walang konteksto, na mae-enjoy ng ating mga kaibigan, o ng "audience" natin. Ipinapahayag ang mga nararamdaman natin bilang impormasyon – ginagamit ang mga ito para maisakategorya at mailarawan ang buhay natin.
Sa Internet, isinasaayos natin ang impormasyon ayon sa popularidad nito bilang pagtatangkang tukuyin ang pagkamakatwiran nito. Kung binanggit ng marami pang website ang isang website, tinutukoy sa pangkalahatan na mas mahalaga o tumpak ito. Naku-quantify, nava-validate, at naipapamahagi sa parehong paraan ang mga nararamdamang ipinapahayag sa social media. Ang popular na paghahayag ang nagiging pinakamahalagang paghahayag.
Inirerepresenta ng mga negosyong social media ang isang matinding paglaganap ng kapitalismo sa ating mga personal na ugnayan. Hinihiling sa atin na magsagawa ng performance para sa mga kaibigan natin, gumawa ng mga bagay na gusto nila, bumuo ng "personal na brand" - at itinuturo sa atin ng mga brand na ang autentisidad ay resulta ng pagiging consistent. Dapat nating kilalanin ang "tunay na sarili" natin at dapat nating irepresenta ang parehong pagkatao natin sa lahat ng kaibigan natin, kung hindi, posibleng tayo ay pagdudahan o hindi tanggapin.
Gayunpaman, hindi puwedeng maging tama o mali ang pagiging tao. Punong-puno ng salungatan ang mga pagkatao natin at nagbabago tayo. Iyon ang kaligayahan ng buhay ng tao. Hindi tayo mga brand; hindi lang talaga ganoon ang karakter natin.
Pinanatili ng teknolohiya ang kathang-isip ng transparent na salaming bahay at gumawa ito ng kulturang pinapahalagahan ang popular na opinyon kaysa sa ideyang mula sa kritikal na pag-iisip. Hinayaan natin ang ating mga sarili na maniwalang katumbas ng mas maraming impormasyon ang pagkakaroon ng mas maraming kaalaman. Gaya ng inilalarawan ni Rosen, tayo ay nabubuhay sa panahong mas "posibleng mailantad sa—at posibleng mainterpreta sa maling paraan ng—mas hindi maunawaing audience ang malapit at personal na impormasyong orihinal na inihayag sa ating mga kaibigan at kasamahan."
Sa tuwing ipinapahayag natin ang ating mga sarili, ginagawa natin ito nang alam nating posibleng maging permanente at malaman ng publiko ang mga bagay na sinasabi natin. Hinihikayat tayong ipahayag ang ating mga sarili sa mga paraang tanggap ng pinakamalaking posibleng audience. Ipinagpapalit natin ang ating personalidad para sa popular na pagtanggap.
Ang alalahanin ko ay nakabuo tayo ng henerasyon ng mga taong naniniwalang ang matatagumpay na pinuno ay ang mga pinunong may mga follower. Naniniwala akong ang pinakamahuhusay na pinuno ay ang mga pinunong may pinapanindigan at may pananaw. At dapat linangin ang pananaw na iyon, hindi nang mag-isa, pero nang pribado, kung hindi ay hahayaan natin ang sarili na ma-normalize dahil sa paghahanap ng popular na suporta.
Para mahikayat ang sarili, kadalasan akong umaasa sa mga salita ni Roosevelt sa Sorbonne, kung saan sinabi niyang "Hindi ang kritiko ang nagbibilang, hindi siya ang tumutukoy kung gaano katindi ang pagkabigo ng isang tao, o kung saan ang gumawa ng mga pagkilos ay nagawa ang mga ito nang mas mahusay. Ang kinikilala ay ang taong aktwal na nasa arena, na may mukhang may bahid ng alikabok, pawis, at dugo, na nagsisikap nang walang takot, na sumasablay, na paulit-ulit na nabibigo, dahil kaakibat ng pagsisikap ang pagkakamali at pagkukulang; pero ang taong kinikilala ay ang aktwal na gumawa ng mga pagkilos; na nakaranas ng mga matinding pagkamasigasig at paninindigan; na inilalaan ang kanyang panahon para sa may katuturang layunin; na alam ang pakiramdam na magtagumpay at alam na kung mabibigo siya ay nabigo siya dahil sa pag-abot nang mataas, para hindi siya maisasakategorya sa mga taong hindi alam ang pakiramdam na magtagumpay o mabigo."
Nakagawa tayo ng lipunan kung saan ang mga tao ay lumalaban hindi para sa kanilang mga buhay, hindi para sa kanilang pamilya, at hindi para sa kanilang pananaw – pero para sa mga nanonood at para sa papuri. At kaming mga manonood, na nakaupo sa arena, masayang nalilibang, lasing at busog – kontento kami – pero masaya ba kami?
Isinulat ni Kundera na "kapag naging kaugalian at pamantayan ang paghahayag sa pribadong buhay ng isa pang tao, pumapasok na tayo sa panahong ang pinakamalaking nakataya ay ang pananatili ng pagkatao ng indibidwal o ang paglaho nito."
Naniniwala akong ito na ang panahong iyon.
Mag-iiwan ako sa inyo ng mga salita mula sa huling talata ng talumpating ihahatid sana ni Pangulong Kennedy noong araw na siya ay pinaslang. Noong araw na iyon, magsasalita sana si Kennedy noong panahong may nagaganap na digmaan. Ngayong gabi, hinihiling ko sa inyo na makinig habang nahaharap tayo sa laban para maiwasan ang pagkasira ng indibidwal.
“Sa bansang ito, sa henerasyong ito, tayo ang tagabantay sa mga pader ng kalayaan ng mundo — hindi dahil pinili natin ito, pero dahil ito ang kapalaran natin. Samakatuwid, hinihiling namin na maging karapat-dapat tayo sa ating kapangyarihan at responsibilidad, na magagamit natin ang ating lakas nang may limitasyon at pang-unawa sa tama at mali, at na maaabot natin sa ating panahon nang panghabambuhay ang matagal nang minimithing "kapayapaan sa mundo, kabutihan sa mga tao." Iyon dapat palagi ang ating layunin, at ang pagiging tama at makatuwiran ng ating layunin ang gumagabay dapat palagi sa ating lakas. Dahil gaya ng isinulat noong unang panahon: "sa gabay ng Panginoon, bantayan ang lungsod at panatilihing gising ang mga tagabantay."
Narito tayong lahat para alisin ang stigma na pangunahing nauugnay ang pag-hack sa paglalantad sa mga bagay na hindi gustong mailantad ng ibang tao. Hinahamon ko kayong lahat na gumawa ng espasyo ngayong weekend, sa napakahalagang panahong ito, na kumikilala at gumagalang sa mga ideya, pakiramdam, at pangarap ng iba. Nagtipon-tipon tayo rito para makahanap ng ginhawa at kaligayahan sa pagbabahagi at paggawa – dapat tayong gumawa nang may pagsasaalang-alang para sa ating mga hinaharap na henerasyon para matuklasan nila ang kaligayahan ng ugnayan ng tao at indibidwal na paghahayag, sa paraang pinoprotektahan ng privacy.
Back To News