Mayroong mga haka-haka kamakailan tungkol sa kung paano ini-store at kung kailan at paano binubura ang mga snap. Palagi naming sinusubukang manguna sa kung paano gumagana ang mga bagay at hindi kami nagkaroon ng anumang pagbabago sa mga gawi namin, kaya sa tingin namin maganda kung mas idedetalye namin ang ilang bagay.
Pag-store ng Snaps
Kapag may nagpadala ng snap, naa-upload ito sa mga server namin, pinadadalhan ng notipikasyon ang (mga) nakatanggap na mayroon silang bagong snap at nagda-download ang Snapchat app ng kopya ng mensahe. Ang larawan o video sa mensahe ay ilalagay sa pansamantalang folder sa memory ng device. Minsan nasa internal memory, RAM o external memory ito katulad ng SD Card—depende sa platform at kung video ba ito o larawan.
Pagbubura ng Snaps sa Server Namin
Kapag tiningnan ang snap at natapos ang timer, ipinapaalam ito ng app sa mga server namin, na nagpapaalam din sa nagpadala na nabuksan na ang snap. Sa oras na malaman naming nabuksan na ang snap ng lahat ng nakatanggap nito, binubura na ito sa mga server namin. Kung hindi nabuksan ang snap sa loob ng 30 araw, buburahin na rin ito sa mga server namin.
Pagbubura ng Snaps sa Device ng Recipient
Kapag nabuksan na ang snap, buburahin na ang pansamantalang kopya nito mula sa storage ng device. Sinusubukan naming gawin ito kaagad, minsan maaaring abutin nang isa hanggang dalawang minuto. Nabubura ang mga file sa pamamagitan ng pagpapadala ng utos na "burahin" sa file system ng telepono. Ito ang karaniwang pamamaraan ng pagbubura sa mga computer at telepono—wala kaming ginagawang anumang espesyal na bagay (gaya ng “pag-wipe”).
Mga Karagdagang Detalye
Habang mayroong naka-store na hindi pa nabubuksang snap sa device, hindi imposibleng madaya ang Snapchat app at ma-access nang direkta ang mga file. Hindi ito bagay na sinusuportahan o hinihikayat namin at kadalasan nangangailangan ito ng pag-jailbreak o "rooting" ng telepono na magpapawalang bisa sa warranty. Kung sinusubukan mong mag-save ng snap, mas madali (at mas ligtas) na i-screenshot na lang o kunan ng larawan gamit ang ibang camera.
At saka, kung nasubukan mo nang mag-recover ng nawalang data pagkatapos na aksidenteng mabura ang drive o baka nakapanood ka ng episode ng CSI, maaaring alam mo na gamit ang tamang forensic tools, minsan posibleng mabawi ang data pagkatapos mabura nito. Kaya... alam mo na... laging alalahanin ito bago maglabas ng anumang mahigpit na sikreto sa mga selfie mo :)