
Sama-sama Tayong Naninindigan
Ipinadala ng Snap CEO na si Evan Spiegel ang sumusunod na memo sa lahat ng miyembro ng team ng Snap noong Linggo, Mayo 31. Dito, kinokondena niya ang rasismo habang isinusulong ang paglikha ng mas maraming oportunidad, at para sa pagsasabuhay ng mga pagpapahalagang Amerikano ng kalayaan, pagkakapantay-pantay, at katarungan para sa lahat.
Minamahal na Team,
Tulad ng ibinahagi ni Lara noong nakaraang linggo, pinaplano naming talakayin ang mga pagkamatay nina George, Ahmaud, at Breonna bukas ng umaga sa Snap in Focus, pero habang iniisip ko ang mahabang kasaysayan ng karahasan batay sa lahi at kawalan ng hustisya sa America, pakiramdam ko ay maling maghintay pa. Sa bawat minutong nananahimik tayo sa harap ng kasamaan at maling gawain, sinusuportahan natin ang mga gumagawa ng masama. Pasensya na sa paghihintay bago ko ibinahagi ang aking mga saloobin sa inyo.
Nalulumbay ako at nagagalit sa pakikitungo sa black people at people of color sa America.
Bata pa lang ako ay alam ko nang may lumalaban para sa kalayaan, pagiging pantay-pantay, at hustisya. Ang aking ama ay nagsilbing pangkalahatang tagapayo ng Christopher Commission (at, sa hindi inaasahang pangyayari, nagtatrabaho din sa commission ang ating pangkalahatang tagapayo na si Mike), na ginawa para imbestigahan ang racism at labis na puwersa sa Los Angeles Police Department pagkatapos ng pagbugbog kay Rodney King dito sa Los Angeles noong 1991. Natuklasan ng commission ang malawakang racism at labis na paggamit ng puwersa na hindi nasusuri ng mga namumuno. Ang mga ginawang rekomendasyon noon, na halos 30 taon na ang nakakalipas, ay nakakatakot na may kaugnayan pa rin sa ngayon.
Paglipas ng panahon, nagkaroon ako ng oportunidad na magtrabaho at mag-aral sa South Africa kung saan nagkaroon ako ng pribilehiyong makilala ang isa sa aking mga bayani – si Bishop Tutu. Nasaksihan ko ang pagkawasak ng Apartheid at ang kasaysayan ng racism, pero nasaksihan ko rin ang walang sawang pagsisikap tungo sa pag-unlad at pakikipag-ayos. Sa Stanford, tumira ako sa Ujamaa noong Senior year ko, isang dorm sa campus na nakalaan sa black community (at kung saan black ang karamihan ng mga residente). Kahit napakaganda ng pribilehiyo sa Stanford, napakaraming matututunan tungkol sa mga pang-araw-araw na kawalan ng hustisya sa racism sa ating lipunan.
Ibinabahagi ko ito hindi para magmungkahi ng anumang personal na pag-unawa sa karanasan sa pamumuhay ng blacks sa United States pero para ipaliwanag na sa loob ng halos 30 taon ay personal kong nasaksihan o nakilahok ako sa madamdamin at tuloy-tuloy, may mabigat na dahilan, at malakas na pag-apela para sa hustisya sa America at sa buong mundo. Pagkalipas ng 30 taon, sa kabila ng milyon-milyong taong nananawagan para sa pagbabago, maliit na pag-usad lang ang makikita. Umabot na ang economic inequality sa America sa mga antas na halos isang siglo nang hindi na nakikita, hindi makapunta sa grocery store o makapag-jog ang people of color nang walang takot na mapatay nang walang kabuluhan, at sa madaling salita, nabigo ang eksperimento ng America.
Ibinabahagi ko ito dahil nauunawaan ko, sa mga salita ni MLK, na ang “mga riot ay ang wika ng mga walang boses” at ang mga mapayapang nagsusulong ng pagbabago sa loob ng maraming siglo ay nakakuha lang ng kaunting pag-usad, kung mayroon man, patungo sa pangarap na kalayaan, pagkakapantay-pantay, at hustisya para sa lahat na ipinangako ng America. Nauunawaan ko kung bakit pakiramdam ng mga nagra-riot ay hindi sila pinapakinggan.
Sa unang talumpati kung saan inimbitahan akong magsalita pagkatapos naming gawin ang Snapchat, na binigkas sa Stanford Women sa Business Conference noong 2013, ipinahayag kong “isa akong young, white, at educated na lalaki. Naging napakaswerte ko. At hindi patas ang buhay.” Pakiramdam ko ay napakahalagang banggitin ang aking mga pribilehiyo at kilalanin ang kawalan ng hustisya sa ating lipunan – lalo na sa harapan ng mga babaeng business leader na araw-araw humaharap sa mga kawalan ng hustisyang ito. Ang pagkilala sa aking pribilehiyo ay isang mahalagang unang hakbang para sa akin dahil nakatulong ito sa akin na makinig. Ang aking mga karanasan bilang isang mayamang white na lalaki ay naiiba kaysa sa mga kawalan ng hustisyang nararanasan ng ating mga kapwa American. Nakatulong sa akin na maging isang mas mahusay na kakampi sa paglaban ang pag-unawa sa pinagdaraanan ng mga taong naiiba sa akin.
Ang pamantayang ideya sa likod ng pagbuo ng ating bansa ay ang nosyon na ang mga sitwasyon ng inyong kapanganakan ay hindi magtatakda sa landas na tatahakin ng inyong buhay. Para sa ating mga tagapagtatag, katawa-tawa ang ideyang pumili ang Diyos ng isang hari – tayong lahat ay pinili ng Diyos at pantay-pantay ang pagmamahal niya sa ating lahat. Ginusto nilang magtayo ng isang lipunang sumasalamin sa pagmamahal ng Diyos at sa ideyang nananahan sa ating lahat ang Diyos. Hindi naniniwala ang panginoon na may mas nararapat sa pagmamahal sa sinuman sa atin.
Syempre, ang karamihan mismo sa mga Founding Father na ito na sumusuporta sa mga pagpapahalaga sa kalayaan, pagiging pantay-pantay, at hustisya para sa lahat – ay mga nagmamay-ari ng alipin. Ang kanilang matayog na pangarap na isang bansang binubuo ng mga tao, para sa mga tao ay itinatag batay sa panghuhusga, kawalan ng hustisya, at racism. Kung hindi tutugunan ang nabubulok na pundasyong ito at ang patuloy na pagkabigo nitong gumawa ng oportunidad para sa lahat, pinipigilan natin ang ating mga sarili sa pagkamit sa ating totoong kakayahan para sa pag-usad ng mga tao – at patuloy tayong mabibigo sa pag-abot sa matapang na pangarap na kalayaan, pagiging pantay-pantay, at hustisya para sa lahat.
Madalas akong itinatanong ng aking mga kaibigan, team member, mamamahayag, at kasosyo kung ano ang magagawa natin para magkaroon ng pagbabago. Alam kong sa anumang paraan ay hindi ako eksperto, at marami pa akong dapat malaman tungkol sa mundo sa hustong gulang na 29, ibabahagi ko sa ibaba ang sarili kong pananaw sa kung ano ang kailangan para magawa ang pagbabagong hinahanap natin sa America. Hindi natin mawawakasan ang racism sa sistema kapag hindi gumawa ng kasabay na oportunidad para sa lahat ng tao, anupaman ang kanilang pinagmulan.
Una, mahalagang maunawaan na, mula sa aking pananaw, malaking bahagi ng modernong America ang naniniwala sa “malaking ideyang” isinulong ni Pangulong Reagan at iba pa na ang mga negosyo ang dapat na maging mga makina ng pag-unlad at dapat huwag humadlang ang pamahalaan. Sa katunayan, nakatulong ang mga pagbawas ng buwis at deregulasyon sa paglago ng ekonomiya ng America at inilipat ng pederal na pamahalaan ang porsyento ng paggastos nito mula sa mga pagsisikap na nakatuon sa hinaharap tulad ng R&D patungo sa mga pagbibigay ng benepisyo tulad ng Social Security. Syempre, isang pangmatagalang pamumuhunan ang R&D ng pamahalaan, pero mayroon itong malaking benepisyong makukuha sa mas nalalapit na termino: nakatulong ito sa paggawa ng pundasyon ng maraming component sa mga modernong smartphone na nagresulta sa paglago at tagumpay ng mga negosyong tulad ng sa atin. Narito ang tinantya (at hindi perpektong) kalkulasyon sa Pederal na Badyet – habang puwede tayong magdebate kung saan nabibilang ang bawat item sa line, ipinapakita ng mga pagtatantya ang malaking pagkiling sa nakaraan at kasalukuyan habang naisasakripisyo ang hinaharap:
FY 2019 Paggastos ayon sa Function ng Badyet
% ng Pangkalahatang Badyet
Nakaraan/Kasalukuyan
Medicare
16.80%
Social Security
15.79%
National Defense
15.27%
Kalusugan
10.50%
Netong Interes
8.45%
Seguridad ng Kita
8.21%
Pangkalahatang Pamahalaan
5.81%
Benepisyo at Serbisyo para sa Mga Beterano
3.13%
Pangangasiwa ng Hustisya
1.18%
Agrikultura
0.59%
Tinatayang Kabuuan ng Kasalukuyan/Nakaraan
85.73%
Hinaharap
Edukasyon, Pagsasanay, Serbisyong Panlipunan
2.24%
Natural na Yaman at Kapaligiran
1.05%
Transportasyon
1.73%
Pag-unlad ng Komunidad at Rehiyon
0.88%
Pag-unlad ng Komunidad at Rehiyon
0.56%
Enerhiya
0.35%
Tinatayang Kabuuan ng Hinaharap
6.81%
Hindi lihim na inuuna ng ating bansa ang mga negosyo. Kami sa Snap ay naging malalaking benepisyaryo ng mga patakarang ito, pero naniniwala akong panahon na para unahin naman ang mamamayan ng America.
Naniniwala ako na ang una at pinakamahalagang hakbang ay pagtibayain ulit ang ating paninindigan sa mga pinapahalagahan natin sa pagtatatag bilang isang bansa: kalayaan, pagiging pantay-pantay, hustisya, buhay, libertad, at ang paghahanap ng kasiyahan. Dapat tayong magtulungan para makagawa ng iisang pangarap para sa tagumpay sa hinaharap at tukuyin kung ano ang gusto nating maging hitsura ng America para sa mga anak ng ating mga anak. Dapat ay isa itong prosesong kinasasangkutan ng lahat ng American at “binubuo ng mga tao, para sa mga tao.” Kung matutukoy natin ang bansang gusto nating maging, masisimulan natin ang pagkilos at paglalapat ng ating mga pinapahalagahan sa mahahalagang pasyang dapat gawin para maging realidad ang pangarap nating lahat.
Kakailanganin din nating simulang tukuyin ang ating tagumpay batay sa pagkamit sa ating mga pinapahalagahan, sa halip na mga walang kwentang panandaliang sukatan tulad ng GDP o ang stock market. Kapag tumaas ang inyong mga gastusin sa pangangalagang pangkalusugan, anumang halaga ang natanggap ninyo, tataas ang GDP. Kung may dumaang bagyo at naminsala ng maraming bahay at kakailanganin nating itayo ulit ang mga ito, tataas ang GDP. Ang GDP ay isang depektibong sukatan na hindi sumasalamin sa kung ano ang nag-aambag sa totoong kasiyahan ng tao. Ang paghahanap ng kasiyahan ay dapat higit pa sa paghahanap ng kayamanan.
Dapat tayong magtatag ng diverse at non-partisan na Commission para sa Katotohanan, Pakikipag-ayos, at Mga Pagbabayad-pinsala. Dapat tayong magsimula ng proseso para matiyak na maririnig sa buong bansa ang black community ng America, dapat nating siyasatin ang criminal justice system para sa pagkiling at panghuhusga, palakasin ang Department of Justice Civil Rights Division, at dapat tayong kumilos para sa mga rekomendasyon para sa pakikipag-ayos at pagbabayad-pinsalang ginawa ng Commission. Maraming dapat matutunan mula sa mga taong nagkaroon ng lakas ng loob na magsagawa ng katulad na proseso kaugnay ng mga kasamaan sa buong mundo, at dapat tayong gumawa ng prosesong sumasalamin sa mga pinapahalagahan ng America at makakatulong sa ating bansa na gawin ang kinakailangang pagbabago at maghilom.
Dapat nating simulan ulit ang “Opportunity Engine” sa America sa pamamagitan ng pamumuhunan sa edukasyon, pangangalagang pangkalusugan, at pabahay para maging mas accessible at abot-kaya para sa lahat ng tao ang mga pangunahing sangkap na ito ng isang malaya at patas na lipunan.
Naniniwala ako na ang isang dahilan kung bakit malaki ang nabawas sa pagnenegosyo sa America simula noong 1980s ay dahil sa kakulangan ng sapat na safety net mula sa lipunan. Nakadepende ang pagnenegosyo sa pagkakaroon ng kakayahan ng mga tao na sumugal para makapagsimula ng negosyo, na halos imposibleng gawin kung walang safety net gaya ng nakuha ko. Sa ngayon, ang mga potensyal na negosyante ay nahaharap sa utang mula sa pag-aaral at nasasaklawan ng hindi tumataas na sahod at mga lumalaking gastusin kaya nahihirapang mag-ipon para sa kailangang kapital para makapagsimula ng negosyo.
Magiging magastos ang pamumuhunan sa hinaharap ng ating bansa para makapagbigay ng benepisyo sa mga anak ng ating mga anak. Kakailanganin nating magtakda ng mas progresibong sistema ng income tax at higit na mas malaking estate tax, at kakailanganin nating magbayad ng mas malaking rate ng buwis ang mga korporasyon. Habang namumuhunan tayo sa hinaharap, kakailanganin din nating bawasan ang pederal na kakulangan para maging mas handa tayong tugunan ang anumang panlabas na pag-atake na posibleng dumating sa hinaharap sa mundo nating mabilis na nagbabago. Sa madaling salita, ang mga taong kagaya ko ay magbabayad ng mas malaking buwis – at naniniwala akong magiging mahalaga ito para makagawa ng lipunang magbibigay ng benepisyo sa ating lahat.
Karamihan sa mga pagbabagong ito ay posibleng maging “masama” para sa negosyo sa panandaliang panahon, pero dahil kinakatawan ng mga ito ang mga pangmatagalang pamumuhunan sa mga tao ng ating bansa, naniniwala akong sama-sama tayong makakakuha ng malalaking pangmatagalang benepisyo.
Bakit hindi pa nangyayari ang pagbabagong ito? Para sa akin, ito ay dahil nagpakita ng kaunting interes sa mas magandang hinaharap para sa kanilang mga anak ang malaking bahagi ng Boomer sa lahat ng sangay ng ating pamahalaan. Sa loob ng maraming dekada, nakatuon ang ating pamahalaan sa istratehiyang debt-financed na bawas sa buwis at pinapahintulutang paggastos para payamanin ang pinakamahahalaga nilang botante: ang mga Boomer. Hawak ng mga Boomer ang halos 60% ng lahat ng kayamanan ng sambahayan sa America. Para ilagay ito sa konteksto, hawak ng mga bilyonaryo ang humigit-kumulang 3%. Sa Social Security, halimbawa, pinopondohan namin ang isang programang magbibigay ng mga benepisyo sa pinakamayamang henerasyon sa kasaysayan ng American nang walang anumang uri ng means-testing.
Ipinapakita ng ilang pananaliksik na kapag hindi nakikita ng mas nakakatandang henerasyon ang kanilang mga sarili sa mas nakakabatang henerasyon, hindi sila masyadong nakahandang mamuhunan sa kanilang hinaharap. Sa America, ang henerasyon ng Boomer ay humigit-kumulang 70% white, at ang henerasyon ng Gen Z ay humigit-kumulang 50% white. Hindi mapipigilan ang pagbabago ng demograpiko ng America. Samakatuwid, ang tanong ay kung kaya nating magkaisa o hindi para gumawa ng bansang mas sasalamin sa ating founding values, hihilom sa malalalim na sugat ng ating nakaraan, sisikaping alisin ang racism at kawalan ng hustisya, at gagawa ng oportunidad para sa lahat – sinuman sila, o saanman sila ipinanganak.

Source: https://money.cnn.com/interactive/economy/diversity-millennials-boomers/
Para sa Snapchat, hindi tayo puwedeng mag-promote ng mga account sa America na may kaugnayan sa mga taong nagpapasimuno ng karahasan batay sa lahi, ginagawa man nila ito sa loob o labas ng ating platform. Ang ating Discover content platform ay isang curated na platform, kung saan tayo ang magpapasya kung ano ang ipo-promote natin. Palagi nating binabanggit ang tungkol sa pagsisikap nang husto para makagawa ng positibong epekto, at gagawin natin ang mga ipinangako natin tungkol sa content na ipo-promote natin sa Snapchat. Puwede nating patuloy na payagan ang divisive people na magpanatili ng account sa Snapchat, basta't ang content na pina-publish sa Snapchat ay sumusunod sa ating community guidelines, pero hindi natin ipo-promote ang account o content na iyon sa anumang paraan.
Hindi pa huli ang lahat para sa landas ng pagmamahalan, at umaasa akong tunay at wagas na kikilos ang mga namumuno sa ating matatag na bansa patungo sa ating founding values, ating raison d’être: kalayaan, pagiging pantay-pantay, at hustisya para sa lahat.
Hanggang sa pagsapit ng araw na iyon, gagawin nating malinaw sa ating mga pagkilos na walang grey area pagdating sa racism, karahasan, at kawalan ng hustisya – at hindi natin ito ipo-promote, o ang mga sumusuporta rito, sa ating platform.
Hindi ito nangangahulugang aalisin natin ang content na hindi sinasang-ayunan ng mga tao, o ang mga account na walang pakialam sa ilang tao. Maraming debateng maglalabasan tungkol sa hinaharap ng ating bansa at ng mundo. Pero walang lugar para sa debate sa ating bansa tungkol sa value ng buhay ng tao at sa kahalagahan ng tuloy-tuloy na paglaban para sa kalayaan, pagiging pantay-pantay, at hustisya. Naninindigan tayo kasama ang lahat ng naninindigan para sa kapayapaan, pagmamahalan, at hustisya at gagamitin natin ang ating platform para i-promote ang kabutihan sa halip na kasamaan.
Alam kong maraming taong may pakiramdam na dahil lang racist ang “ilang tao,” o dahil lang may “kaunting kawalan ng hustisya” sa ating lipunan ay “hindi naman masama tayong lahat. Sa aking pananaw, malalim ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at kapag nagdurusa ang isa sa atin, nagdurusa tayong lahat. Kapag nagugutom ang isa sa atin, nagugutom tayong lahat. At kapag naghihirap ang isa sa atin, naghihirap tayong lahat. Kapag binigyang-daan ng sinuman sa isa atin ang kawalan ng hustisya sa pamamagitan ng ating pananahimik, lahat tayo ay nabigong gumawa ng isang bansang nagsisikap para sa pinakamatataas na prinsipyo nito.
Nagtanong ang ilan sa inyo kung mag-aambag ba ang Snap sa mga organisasyong sumusuporta sa pagiging pantay-pantay at hustisya. Ang sagot ay oo. Pero sa aking karanasan, maliit lang ang epekto ng philanthropy sa napakatinding kawalan ng hustisyang hinaharap natin. Habang makabuluhang nag-ambag at patuloy na mag-aambag ang ating pamilya para makagawa ng oportunidad para sa mga kapuspalad, at magbibigay ng donasyon sa mga tagapangalaga ng hustisya, ang mga ganitong sitwasyon ay nananawagan para sa mas radikal na pagbabago sa kaayusan ng ating lipunan. Ang pribadong philanthropy ay puwedeng magtakip sa mga butas, o magpabilis sa pag-usad, pero hindi nito malalagpasan ang malalim at malawak na bangin ng kawalan ng hustisya kung mag-isa lang ito. Dapat nating tawirin ang banging iyon nang sama-sama bilang nagkakaisang bansa. Nagkakaisa sa paghahanap ng kalayaan, pagiging pantay-pantay, at hustisya para sa lahat.
Marami tayong haharaping malalaking pagsubok. Para masugpo ang mahabang kasaysayan ng karahasan at kawalan ng hustisya sa America – kung saan pinakabagong biktima sina George, Ahmaud, at Breonna, at mas marami pang hindi napangalanan – dapat nating yakapin ang malaking pagbabago. Hindi lang basta pagbabago sa ating bansa, pero pagbabago sa ating mga puso. Dapat nating bitbitin ang ilaw ng kapayapaan at ibahagi ang yakap ng pagmamahal sa buong sangkatauhan.
Sumainyo ang kapayapaan,
Evan